Ang lagnat o sinat ay ang pagtaas ng temperatura ng katawan hanggang sa punto, kalagayan, o hangganang mas mataas kaysa pangkaraniwan o normal na 98.6 degri o gradong Fahrenheit. Isa itong tanda o sintomas ng pagkakaroon ng sakit o karamdaman. Sa karamihan ng mga kaso ng pagkakaroon ng sinat, nangangahulugang may impeksyon sa loob ng katawan. Kaugnay ng sinat o saynat, mas karaniwang tumutukoy ito sa bahagyang lagnat, malimit saynatin (madalas sinatin), at lagnatin nang bahagya (magkalagnat ng bahagya).