Sa payak na kahulugan nito, ang
kabihasnan o
sibilisasyon ay isang masulong na yugto ng kaunlaran ng isang lipunan. Nagmula ang salitang
sibilisasyon sa
Latin na
civis na may ibig sabihing isang taong naninirahan sa isang
bayan. Naiisip nating sibilisado ang mga tao kapag tinipon nila ang kanilang mga sarili upang maging isang matatag at mabisang pangkat, sa halip na gumagalaw ng magkakahiwalay o bahagi lamang ng isang
tribo. Lampas dito, inaasahan nating makikilala ang alin mang kabihasnan sa pamamagitan ng kanilang wika, sining, arkitektura, edukasyon, at nakamit na gawaing intelektuwal, pamahalaan, at kakayahan makapagtanggol ng sarili. Samakatuwid, isa itong konseptong tumutukoy sa pagkadalubhasa ng mga tao sa isang kulturang kinagisnan o nakasanayan, kulturang nalinang o kulturang tinanggap na resulta sa paninirahan sa isang partikular na lugar o kapaligiran. Naging isang masalimuot na lipunan o pangkat ng kultura o kalinangan ang kabihasnan na kinatatangian ng pagsandig sa
agrikultura, pangangalakal kahit sa malalayong mga lugar, uri ng pamahalaan pang-estado at naghahari o namumuno, espesyalisasyon sa hanap-buhay, urbanismo, at antas-antas na mga klase ng mga tao. Bukod pa sa ganitong mga pangunahing mga elemento, kadalasang natatakan ang sibilisasyon ng anumang kumbinasyon ng isang bilang ng pangalawang mga elemento, kabilang ang maunlad na sistema ng
transportasyon,
pagsusulat, pamantayan ng pagsusukat, pati na
pananalapi, pormal na sistema ng
batas, magiting na estilo ng
sining, mabantayog na arkitektura,
matematika, sopistikadong
metalurhiya, at
astronomiya.